Kagawad binoga sa ulo sa tapat ng Barangay Hall
CAVITE, Philippines — Kritikal sa pagamutan ang isang Brgy. Councilor makaraan itong barilin sa ulo habang nakaupo sa tapat mismo ng kanilang Barangay Hall, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Amaya Tanza Cavite.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas Emilio, 54-anyos, kagawad at residente ng Brgy. Amaya 3, Tanza, Cavite.
Nakilala naman ang suspek na si alyas “Andy”, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Amaya 3, Tanza, kasalukuyan ng pinaghahanap ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon, alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente, nakaupo ang biktima sa tapat ng kanilang Brgy. Hall nang biglang dumating ang suspek sakay ng tricycle.
Agad na bumaba ang suspek at binaril nang malapitan sa ulo ang biktima na ngayo’y nakikipag-agaw buhay sa ospital.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas na nakaalitan ng suspek ang pamangkin ng biktima.
- Latest