Nagpanggap na bibili, motorsiklo tinangay sa test-drive
MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki na nakipagtransaksyon sa nagbebenta ng mamahaling motorsiklo nang tangayin ng kasama na nagsagawa ng test-drive, sa San Mateo, Rizal, gabi ng Biyernes.
Kinilala sa alyas na “Chrisse” ang pinipigil ng pulisya sa reklamo ng seller na si alyas “Faye”.
Hinahanting naman ang isa pang suspek na si alyas “Percival” na tumangay ng isang Yamaha XMAX na may orihinal na halagang mahigit P300-libo.
Sa ulat ng San Mateo Rizal Municipal Station, dakong alas-10:30 ng gabi ng Agosto 9, nang maganap ang insidente sa General Luna St, Barangay Ampid 1, San Mateo.
Sa reklamo, sa pamamagitan ng online transaction nakipagkita ang biktima sa dalawang suspek kaugnay sa Yamaha XMAX na may plate number 967QKY na ibinebenta niya lamang sa halagang P215,000.00.
Hiniling umano ni Percival na i-road test ang motorsiklo, na pumayag naman ang biktima, habang si Chrisse ay naiwang nakikipagnegosasyon.
Hindi na umano bumalik si Percival na tangay ang motorsiklo kaya’t napilitan ang biktima na magpasaklolo sa pulisya, at dahilan upang arestuhin si Chrisse sa reklamong Estafa /Swindling.
- Latest