P376 milyong shabu sa sasakyan nasabat ng PCG, HPG
Dahil sa 3 sakay na walang seatbelt
MANILA, Philippines — Nasabat ng magkasanib na operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) at Northern Samar Police Highway patrol team ang higit sa 38 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P376 milyon, sa Barangay Sta. Clara, Ubasan, Northern Samar, noong Setyembre 5 (Huwebes).
Nagkataon na nagsasagawa ng Anti-Carnapping Operation at pagpapatupad ng Republic Act 4136, na nauukol sa vehicle registration at safety regulations sa nasabing barangay nang masita ang isang sasakyan kung saan may tatlong sakay, dahil hindi nakasuot ng seatbelts at natukoy na expired na ang sasakyan.
Naging dahilan ito para isailalim sa visual inspection ang sasakyan at namataan ang kahina-hinalang mga itim na package.
Isinagawa ang inspeksyon ng Coast Guard K9 Force Operating Unit-EV at Philippine Drug Enforcement Agency- Seaport Interdiction Unit (PDEA-SIU) at natuklasan na may 37 bloke ng hinihinalang shabu ang laman ng itim na mga packages.
Dinakip ang tatlo na kasalukuyang nakapiit sa Allen Municipal Police at nasampahan na rin ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Matatandaang noong Agosto 31 lamang, humigit kumulang sa 37 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P200 milyon ang nasamsam na nakasilid sa tea bags, sa Allen, Northern Samar.
- Latest