MANILA, Philippines — ’Kinalampag ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para maging proactive sa pakikipag-ugnayan at pagtulong sa libu-libong mangingisda na nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill mula sa lumubog na MT Terranova.
Inihayag ni Tolentino ang kanyang apela sa BFAR sa kanyang panayam kay Fernando Hicap, pinuno ng PAMALAKAYA, sa programa sa radyo ng senador na “Usapang Tol”.
“Sana naman ay maging proactive ang BFAR sa pag-alalay sa ating mga magsasaka, at sa paggabay sa kanila sa mga hakbang na dapat gawin,” ani Tolentino.
Ayon kay Hicap, maraming mamamalakaya ang nawalan ng kabuhayan dulot ng oil spill, at ang kasunod na mga fish ban na idineklara ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Nauna nang idineklara ng BFAR na handa itong magbigay ng fuel subsidies para sa mga apektadong mangingisda ngunit hindi ito sapat, ayon kay Hicap, dahil ang kailangan nila ay alternatibong mapagkakakitaan. Sumang-ayon sa kanya si Tolentino at binigyang diin ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na pag-uusap sa pagitan ng BFAR at mga grupo ng mangingisda.
Kamakailan, naghain ang senador ng Senate Resolution No. 1048, na naglalayong imbestigahan ang sanhi, lawak, at epekto ng oil spill dulot ng lumubog na barko.
Magugunita na idineklara ng BFAR na ‘di ligtas kainin ang mga isda mula sa mga kontaminadong bahagi ng karagatan dulot ng oil spill.
Tinataya na halos 46,000 mangingisda sa Gitnang Luzon, Calabarzon, at Kalakhang Maynila ang apektado ng oil spill.