MANITO, Albay, Philippines — Sang-ayon ang mga opisyal ng Energy Development Corporation na may hawak ng buong operasyon ng BacMan Geothermal Power Plant (BGPP) at ng bagong bukas na 28.9 Mehawatt-hour Palayan Binary Geothermal Power Plant (PBGPP) sa bayan ng Manito, Albay na direktang bumili sa kanila ng murang kuryente ang Albay Electric Cooperative (Aleco) na hindi na dadaan sa Luzon Grid.
Sa pulong balitaan, sinabi nina EDC vice-chairman and chief executive officer Francis Giles Puno; president and chief operating officer Jerome Cainglet; at Marvin S. Bailon, vice-president and head of business development na pwede nilang pagbilhan ng direktang kuryente ang Albay mula sa enerhiyang napo-produce nila mula sa BGPP at PBGPP. Kailangan lang umanong pumasok ang Aleco sa competitive selection process (CSP) at magpa-bidding sa mga power suppliers para magkaroon din ang EDC nang pagkakataong sumali at mag-bid ng mas murang halaga ng kuryente.
Ayon sa mga opisyal, madali lang maikabit ang Aleco sa kanilang switching-area sa bayan ng Daraga. Ginawa na umano nila ito noong 2020 nang manalasa ang bagyong Rollie sa Bicol kung saan direkta nilang kinabitan ang Albay at Sorsogon dahil sa pagbagsak ng maraming towers at kable ng NGCP dahilan para natagalan bago sila naikabit sa Luzon Grid.
Sinabi ni Atty. Alfredo Garbin Jr., executive director ng Ako Bicol Partylist na matagal na nilang inuudyukan ni Cong.Elizaldy Co ang Aleco na pumasok sa competitive selection process ang lalawigan. Hanggang ngayon sa wholesale Electricity Spot Market (WESM) pa ang Albay kumukuha ng kuryente na mataas ang presyo. Sa CSP ay pwedeng direktang bumili ang Aleco sa Tiwi Geothermal Power Plant at Bacman Geothermal Power Plant na gumagamit ng renewable energy kaya mas mura at istable ang kuryente.