Ulo ng mister, tinapyas ng kapitbahay

LOPEZ, Quezon, Philippines — Halos humiwalay na ang ulo sa leeg ng isang mister matapos na siyang tagain ng lasing na kapitbahay sa Barangay Ilayang Ilog B, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na agad na namatay sa pinangyarihan ng insidente ay kinilalang si Felix Oseña Pecito, magsasaka, habang naaresto ang suspek na si alyas Manuel, 46-anyos.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:45 ng gabi ay nakatulog sa upuan sa loob ng kanilang bahay ang biktima matapos na ito ay makipag-inuman sa ilang mga kaibigan.

Maya-maya ay dumating umano ang lasing na suspek at walang sabi-sabing tinaga ng dalawang beses sa leeg ang biktima at mabilis na tumakas subalit naaresto rin kinalaunan sa follow-up operation. Inaalam pa ang motibo sa krimen.

Show comments