3 parak, ‘suspek’ sa panloloob sa Indonesian

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Tatlong pulis ang itinuturing ngayong “persons of interest” sa naganap na robbery heist sa bahay ng isang Indonesian national sa Kawit, Cavite kamakailan.

Ayon kay Lt. Col. Richard Corpuz, hepe ng Kawit Police, isang special investigation task group ang binuo para hawakan ang imbestigasyon at ang kaso ay nasa regional level na. Tumanggi pa siyang ibunyag ang mahahalagang detalye kabilang ang pagkakakilanlan ng tatlong pulis na umano’y sangkot sa robbery heist habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

“Wala akong karapatang magpahayag ugnay sa mga detalye tungkol sa kaso dahil sa patuloy na pagsisiyasat na isinasagawa ng task group. There is designated as SITG spokesperson, however, probers have already three persons of interests,” ani Corpuz sa telepono.

Ayon sa source, tatlong pulis ang kabilang sa pitong armadong lalaki na nanloob sa bahay ng isang Indonesian na si Fendy Apriyanto, 29, supervisor ng POGO, sa Brgy. Magdalo-Potol, Kawit, Cavite, noong Feb .13 ng hapon.

Sinabi ng source na pagkatapos ng backtracking investigation na isinagawa ng mga imbestigador sa tulong ng mga video footages ng CCTV camera sa lugar ay natukoy ang “get-away car” na ginamit ng mga suspek sa pagnanakaw at ang pangalan ng rehistradong may-ari ng sasakyan, na nagresulta sa breakthrough ng kaso.

Nabatid na isa sa tatlong pulis umano ang humiram ng get-away vehicle sa may-ari ng sasakyan.

Sinibak na umano sa puwesto ang tatlong pulis na sumasailalim ngayon sa imbestigasyon habang ang isa sa kanila ay nasa kustodiya na ng Regional Police headquarters sa Camp Vicente Lim, Laguna.

Magugunita na pinasok ng pitong hinihinalang miyembro ng “Akyat-Bahay Gang” ang bahay ng isang Indonesian national at iginapos kasama ang kanyang mga kasambahay at driver bago nilimas ang kanyang mga mahahalagang gamit at pera, sa Brgy. Magdalo-Potol, bayan ng Kawit, Cavite nitong Pebrero 13.

Show comments