Mag-asawang ‘wanted’ sa kidnapping, pagpatay huli sa raid
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang mag-asawang kasapi ng criminal gang sa Libon, Albay na kinokonsiderang “regional most wanted persons” dahil sa mga kasong kidnapping at pagpatay makaraan ang magkasunod na pagsalakay ng Criminal Investigation and Detection Group-Albay Field Unit sa kanilang pinagtataguan sa Imus City, Cavite at Paracale, Camarines Norte kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Joefry Noronia Mari, 49-anyos, security guard at Vilma, 39-anyos, canteen helper, kapwa residente ng Purok-3, Brgy. Maramba, Oas, Albay.
Sa ulat, dakong alas-10 ng umaga sa tulong ng Albay Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit 5, National Bureau of Investigation 5, Cavite City Police bitbit ang warrant of arrests na inilabas ni Judge Edwin Ma-alat ng RTC Branch 14 ng Ligao City dahil sa 2-counts ng kidnapping at murder ay unang sinalakay ng mga tauhan ng CIDG-Albay Field Unit ang pinagtatrabahuhan ni Vilma sa Brgy. Silas ng Imus City, Cavite.
Matapos na maaresto ang misis, dakong alas-5:38 ng hapon ay sunod namang nadakip ng CIDG-Albay Field Unit ay ang mister niyang si Joefry habang naka-duty bilang guwardya sa Brgy. Dagang, Paracale, Camarines Norte.
Ang dalawa ay itinuturong kasapi ng Concepcion Criminal Gang na pinangungunahan ng napaslang sa police operation sa Parañaque City noong nakaraang linggo na si Gilbert Concepcion.
Nagsimulang magtago ang mag-asawa makaraang dukutin at paslangin ng mga kasapi ng gang ang magkapatid na negosyante at kontraktor na sina Gilbert at Glen Quimzon na papuntang Sitio Pinagbadilan, Brgy.Buga, Libon, Albay.
Si Joefry at Vilma umano ang gumawa ng paraan para bumiyahe at abangan ng mga suspek ang magkapatid na Guimzon saka dinala sa liblib na lugar sa Brgy. Molosbolos, Libon kung saan dito sila pinugutan ng ulo at inihulog sa mababaw na balon.
Ilang mga kasapi na ng criminal gang ang magkakahiwalay na nahuli habang ang ilan ay sumuko makaraang mapatay ang kanilang lider.
Ang naturang sindikato ang nasa likod ng mga kasong kidnapping, holdap, panggagahasa, extortion activities at pamamaslang sa maraming lugar sa Kabikulan.
- Latest