CAVITE, Philippines — Pinasok ng pitong hinihinalang kasapi ng “Akyat-Bahay Gang” ang bahay ng isang Indonesian national saka siya iginapos kasama ang kanyang mga kasambahay at driver bago nilimas ang mahahalagang gamit at pera nito, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Magdalo-Potol, bayan ng Kawit, dito sa lalawigan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-5 ng hapon nang maganap ang insidente sa bahay ng biktimang si Fendy Apriyanto, 29-anyos, supervisor ng POGO at residente sa Grand Centennial Homes ng nasabing barangay.
Lumalabas na habang nasa loob ng kanyang bahay ang biktima kasama ang mga katulong at driver nito nang biglang pumasok sa compound ng dayuhan ang mga suspek na pawang armado, nakasuot ng itim na jacket at long sleeve gray, naka-sumbrero at face mask habang lulan ng isang puting Toyota Hi-ace van, hindi nakuha ang plate number.
Agad na tinutukan ng mga suspek ang security guard na si Gilbert Tabbu Angoluan, 34, na nakabantay sa gate ng bahay ng biktima saka tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ng nasabing POGO supervisor.
Mabilis na iginapos ng mga suspek si Apriyanto, mga tauhan na sina Monares Dula Hermesito, 46-anyos, company driver; Sandro Buena Sandrino, 36, driver/security; Crisanta Hito Tupas, 43, housekeeper; Engelbert Cuizon Germanio, 38, driver at Jeanly Dianga Paquilit, 38, housekeeper.
Kasunod nito, naghalughog at nilimas ng mga suspek ang lahat ng mahahalagang gamit sa loob ng bahay, kabilang na ang mga cellphone, IDs, isang Taurus caliber 9mm at malaking halaga ng pera na hindi pa mabatid ang kabuuang halaga.
Kasalukuyan ng nagsasagawa ng dragnet operation ang Kawit Police upang madakip ang mga suspek.