MANILA, Philippines — Inirekomenda na ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng kasong kriminal laban sa mga may-ari ng M/T Princess Empress na nagdulot ng matinding oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro at mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Pebrero 28, 2023.
Bunsod ito ng mga kasong inihain ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-ECD) at ni Mayor Jennifer Cruz ng Palo, Oriental Mindoro.
Kabilang sa mga respondents ang RDC Reield Marines Services, Inc., ang shipping company na nagmamay-ari at nag-ooperate sa barko, mga opisyales nito at ilang empleyado.
Sasampahan din ng kaso ang 19 na tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at dalawang tauhan ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Isa pang indibidwal ang kakasuhan ng multiple counts ng Falsification by Private Individual, Multiple Use of Falsified Documents, at Multiple counts ng Falsification of Public or Official Documents sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ito ay makaraan na madiskubre ng DOJ panel of prosecutors ang ilang iregularidad sa konstruksyon at certificate of public convenience ng M/T Princess Empress makaraan ang komprehensibong ebalwasyon sa mga isinumiteng affidavits at mga ebidenya.
Nadiskubre rin na nagsumite ang RDC Reield Marines Services, Inc. ng mga palsipikadong dokumento kabilang ang Construction Certificate at Affidavit of Ownership.
Samantala, ibinasura naman ang reklamo laban sa ibang respondents dahil sa kakulangan ng probable cause.