19 combat rifle, machinegun isinuko sa Basilan
COTABATO CITY, Philippines — Isinuko sa 101st Infantry Brigade ng mga barangay officials sa Isabela City, Basilan ang 19 combat rifles at isang light machinegun bilang tugon sa disarmament program ng pamahalaan kaugnay ng Mindanao peace process.
Magkahiwalay na kinumpirma nina Lt. Gen. Galido, commander ng Philippine Army, at ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ng ilang mga barangay officials sa Isabela City, isang port city sa Basilan nitong Huwebes.
Pormal na na-turnover ang naturang mga baril kay Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, ni Isabela City Administrator Peter Eisma sa isang seremonyang ginanap nitong Huwebes sa Barangay Tabuk, dinaluhan nila Basilan Gov. Hadjiman Salliman at ni provincial police director Col. Carlos Madronio.
Ang mga may-ari ng walang lisensyang mga baril, kabilang dito ang isang FN 5.56 light machinegun, ay pumayag na ipagkatiwala na ang mga isinukong armas sa 101st Infantry Brigade sa sa magkatuwang na pakiusap sa kanila ni Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman, Salliman, Luzon at Madronio.
Idinaan ang pagsuko ng kanilang mga armas sa 19th Special Forces Company ng Philippine Army na naka-base sa Barangay Tabuk.
Ayon kay Luzon at Salliman, inaasahan nila ang pagsuko pa ng mas maraming baril ng iba pang mga residente sa 11 na bayan sa Basilan at sa Lamitan City na isa ring port city sa probinsya.
- Latest