MANILA, Philippines — Narekober ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa karagatan ng Batangas habang dalawang turistang Amerikano ang nailigtas sa karagatan sa Davao Oriental.
Sa ulat, inalerto ang Coast Guard Station (CGS) Batangas ng Vessel Traffic Management System (VTMS) ukol sa isang radio call na natanggap mula sa MV Maria Zenaida na nakakita sa isang palutang-lutang na bangkay sa may karagatan may 2.69 nautical miles sa Brgy. Gamao, Tingloy, Batangas nitong nakaraang Biyernes.
Agad nagkasa ng search and retrieval operation ang PCG katuwang ang lokal na pamahalaan ng Batangas na nagresulta sa pagkakatagpo sa bangkay ng lalaki.
Inilarawan ang nasawi na nasa edad 25-30 taong gulang, may kaitiman ang balat, katamtaman ang katawan, may taas na 5’7”, at nakasuot ng orange na damit na may tatak na “Tour de Infanta, berdeng short pants at itim na sinturon.
Samantala, nailigtas naman ang dalawang turistang Amerikano kahapon makaraang masiraan ng makina dulot ng masamang panahon sa karagatan may 8.8 nautical miles ang layo sa pinakamalapit na dalampasigan sa may Brgy. Surup, Governor Generoso, Davao Oriental.
Galing ng Indonesia ang sinasakyang yate na Pleasure Yacht Apkallu ng dalawa nang makaranas ng sama ng panahon sa karagatan. Nagpadala sila ng distress signal sa PCG nang tuluyang bumigay ang kanilang makina.
Agad namang rumesponde ang PCG men sakay ng BRP Panglao at nailigtas ang dalawang dayuhan maging ang kanilang yate.