Babaeng Russian patay sa Cebu matapos mahulog kotse sa bangin
MANILA, Philippines — Patay ang isang babaeng Ruso habang sugatan naman ang dalawa sa kanyang mga kababayan matapos mahulog ang sinasakyan nilang kotse sa isang 200-talampakang bangin sa Barili, Cebu.
Nangyari ang insidente nitong Lunes habang pinaghihinalaang nakainom ng alak ang tatlo. Sinasabing nakitaan ng mga bote ng serbesa ang loob ng kotse matapos ang insidente.
Kinilala ang nasawi bilang si Irina Akcehoba Aksenova habang kinilala naman ang mga sugatang lalaking sina Iurii Sergeevich Samminskii at Georgii Arcehob/Akssenov.
Batay sa imbestigasyon, nanggaling sa Moalboal ang tatlo at patungo sana sa Cebu City nang malaglag ang sinasakyan sa isang bangin sa isang national highway sa Sitio Tayong, Barangay Guibuangan.
Tinukoy ng kapulisan si Samminskii bilang nasa likod ng manibela ng isang Toyota Vios Sedan nang mangyari ang insidente. Kasama siya sa mga labis na sugatan.
Iuuwi bangkay sa Moscow
"The local government of Barili revealed that the Consular Office of Russia has already arranged the transport of the body of the female Russian tourist who died in the vehicular accident from Cebu to Moscow," wika ng Munisipalidad ng Barili sa isang pahayag.
"As of yesterday, the office has already contacted a cargo forwarder who will take care of transporting the body of Irina Aksenova, currently at a funeral parlor in Ronda."
Nagpadala na rin aniya ang consular office ng kinatawan sa ospital para mag-attend sa dalawang survivors.
Nagpahatid naman ng kanyang pasasalamat si Barili Mayor Pablo John "John-John" Garcia IV sa consular office sa mabilis na pagtugon.
Una nang sinabi ni Garcia na sinubukan nilang asikasuhin ang mga survivor. Sa kabila nito, may kahirapan aniya sa komunikasyon dahil sa hirap mag-Inggles ang mga nabanggit. — may mga ulat mula sa The Freeman
- Latest