MANILA, Philippines — Narekober na ang bangkay ng piloto at dayuhang student pilot na sakay ng bumagsak na Cessna 152 training aircraft (RP-C8958), bagay na nakatakda sanang lumapag sa Tuguegarao Airport noong Martes.
Matatandaang natagpuan ang naturang two-seater plane sa Brgy. Salvacion, Luna, Apayao nitong Miyerkules, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines.
"The two passengers on board the Missing RP-C8598 CESSNA 152 Plane were identified as Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo from San Juan City and student pilot Anshum Rajkumar Konde, an Indian national," ayon sa Regional Public Information Office of Police Regional Office Cordillera nitong Huwebes.
"They were unfortunately found dead by operatives at the crash site."
Lumipad ang kanilang eroplano sa Laoag, Ilocos Norte nitong Martes, ilang araw lang matapos manalasa ng Typhoon Egay sa rehiyon ng Kordilyera.
Huli itong na-detect sa Alcala, Cagayan bago mawalan ng kontak sa mga otoridad.
Una nang nagtalaga ng search, rescue and retrieval team si PCol. Jefferson Cariaga, provincial director ng Apayao Police Provincial Office, para hanapin sina Tabuzo at Konde matapos makatanggap ng ulat na bumagsak ito sa pagitan ng minisipalidad ng Luna at Pudtol.
Dinala naman na ang labi ng dalawa sa isang ospital habang iniimbestigahan ang sanhi ng insidente.
"The cadavers of the victims were brought to Amma Jadsac District Hospital, Poblacion, Pudtol, Apayao, while the black box of the CESSNA plane was turned over to the proper authorities, who are investigating to determine the circumstances surrounding the incident," panapos ng kapulisan.