114 katutubong pamilya, inatake ng mga terorista

Katuwang ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence ang regional police at ang 6th Infantry Division sa panganga­laga ng mga Teduray na ginulo ng armadong ­teroristang grupo sa Maguindanao del Sur.

COTABATO CITY, Philippines — Mahigit 100 na pamilyang Teduray na naninirahan sa boundary ng Talayan at South Upi sa Maguindanao del Sur ang lumikas sa mga ligtas na lugar matapos guluhin ng teroristang grupo na sinunog pa ang kanilang napakalumang dasalan at ilang mga bahay sa kapaligiran.

Ayon kay Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, hinatiran na ng bigas at iba pang mga relief supplies nitong Lunes ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) contingent, ang mga apektadong pamilya na pansamantalang nasa Barangay Biarong sa ­bayan ng South Upi.

Ang READi ay isang emergency response agency ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasa pamamahala ni Regional Local Government Minister Naguib Sinarimbo.

Napilitang iwanan noong Sabado ng aabot sa 114 pamilyang Teduray ang kanilang tribal village sa boundary ng Blanting at Marader, sa hangganan ng Talayan at South Upi nang itaboy sila ng mga lalaking may bitbit na M14 at M16 rifles matapos sunugin ang Tenines, isang makasaysayang istruktura sa naturang lugar kung saan sila nagdarasal ng ayon sa kanilang kultura.

Nagpasalamat sa Bangsamoro READi sa ginawang pag-ayuda ang dalawang Teduray na kasapi ng BARMM parliament na sina Ramon Piang at Froilyn Mendoza na parehong ­nagpahayag ng kalungkutan sa sinapit ng kanilang mga kapwa Teduray na taga- Talayan.

Ayon kay Army Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th ID, nagtutulungan na ang kanilang mga unit sa Maguindanao del Sur at PRO-BAR na kilalanin ang mga tero­ristang nanggulo sa mga Teduray upang sampahan ng mga kaukulang kaso.

Show comments