MANILA, Philippines — Isang lalaki na umano ay anak ng isang rape suspect sa 16-anyos na dalagita ang natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo sa loob ng isang cottage sa Brgy. Balanac, Magdalena, Laguna.
Ang bangkay ng biktima na kinilalang si Medwin Vasquez, 35, construction worker ay nadiskubreng duguang nakabulagta sa sahig ng pinsan nitong si Mark Andrew Vasquez na maghahatid sana ng pagkain mula sa kanyang handa.
Ayon kay P/Captain Errol Frejas, Magdalena police chief na ang biktima ay binaril sa ulo habang ito ay mahimbing na natutulog sa loob ng cottage ng hindi pa kilalang gunman na gumamit ng kalibre 38 baril.
Walang natagpuang basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen at walang testigo na nakakita sa krimen.
Subalit, ayon sa mga residente na sila ay nakarinig ng putok ng baril bago natagpuang patay ang biktima.
Sinabi ni Frejas na ang biktima ay anak umano ng rape-suspect ng isang 16-anyos na dalagita at sa inisyal na motibo ay posibleng paghihiganti ang pagpatay sa biktima.