CAVITE , Philippines — Kapwa nasa kritikal na kondisyon ang isang negosyante at lalaking may utang sa kanya matapos mauwi sa saksakan at tangkang pagpapatiwakal ang kanilang mainitang pagtatalo sa loob ng isang warehouse sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City kamakalawa.
Inispreyan pa muna sa mukha ng pepper spray saka pinagsasaksak sa katawan ang biktimang si Ryan Tsubasa Rivas, 31-anyos, business owner at residente ng Lot 260, Jaguar St, Brgy. Burol 3, Dasmariñas City, Cavite.
Inoobserbahan din sa pagamutan ang suspek si Ronald Ochoco Almendra, nasa hustong gulang ng #1545, Blk. 3, Zamora St., Brgy. San Roque, Tarlac City makaraang tarakan din ng patalim ang kanyang sarili matapos niyang katayin si Rivas.
Sa imbestigasyon, nagtungo umano ang suspek sa Bella Beatrix Cosmetic Products Warehouse na pag-aari ng biktima upang ‘di umano’y magbayad ng utang nito makaraan siyang singilin ng naturang negosyante.
Ayon kay Wilfred Cueto, 25-anyos, marketing manager, nakita niyang nag-uusap ang biktima at suspek nang bigla na lamang magtalo ang dalawa. May kinuha umano ang suspek sa bag nito at ini-spray sa mukha ng biktima saka niya pinagsasaksak ng Swiss knife. Binalingan pa umano siya ng suspek at akmang iispreyan din sa mukha subalit nakatakbo siya palabas at humingi ng tulong.
Nakita naman sa CCTV footage na nagsaksak sa sarili ang suspek na nadatnan ng awtoridad na nakahandusay sa loob ng warehouse. Labis umanong ikinagalit ng suspek ang diumano’y paraan ng paniningil ng biktima na nakakasakit umano ng damdamin.
Narekober sa lugar ang isang bote ng Smart Guard pepper spray at isang Swiss knife na may habang 8.5 inches.