9 ‘tulak’ huli sa P2.59 milyong shabu sa Iloilo
MANILA, Philippines — Aabot sa P2.59-milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska serye ng buy-bust operation ng pulisya sa lungsod ng Iloilo nitong Martes ng madaling araw hanggang Huwebes ng gabi.
Dakong alas-2:50 ng madaling araw ng Hunyo 13 nang magsagawa ng buy-bust ang pinagsanib na puwersa ng Iloilo City Police Office (ICPO)-City Drug Enforcement Unit (CDEU), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), ICPS4 Special Drug Enforcement Team (SDET), at Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) sa Brgy. San Juan, Molo, ng nasabing lalawigan.
Nadakip sa operasyon ang mga suspek na sina Glenn Deslate alias “Nonoy”, 35; Gerald Gevero alias “Pal-ak”, 28; Jay Constantino alias “Rambo”, 37; Estanislao Hinojales alias “Shaolin”, 44; Eduardo Juatas alias “Jay-r”, 22 at John Vincent Gevero alias “Tyson”, 22, pawang residente ng Zone 1, Brgy. San Juan, Molo, Iloilo City. Nakuhanan sila ng 70 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P476,000.00, homemade 12-gauge shotgun at 9mm caliber.
Sa Brgy. Infante, Molo, Iloilo City, naaresto rin ng Regional Police Drug Enforcement Unit si John Alvin Palomar, 44, ng Brgy. Bakhaw, Mandurriao. Nakumpiska sa kanya ang 180 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.22- milyon.
Nadakip naman sa Brgy. Nabitasan, Lapaz si Joseph Jaleco, 47, ng Brgy. Patlad Sapa, Dumangas, Iloilo makaraang makumpiskahan ng 125 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P850,000.
Sa Brgy. Cubay Jaro, timbog din si Romel Ruso, 41, residente ng nasabing barangay makaraang makumpiskahan ng 8-gramo ng shabu na nasa mahigit P50,000 ang halaga.
- Latest