MANILA, Philippines — Mga armas at pampasabog nasamsam Nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang “most wanted person” na nagsisilbing staff ng National Finance Commission-Communist Terrorist Group (NFC-CTG) at may patong sa ulo na P5.2-milyon at asawa nito sa isinagawang pagsalakay kamakalawa ng gabi sa kanilang lungga sa Bulacan.
Sa joint operations ng CIDG Intelligence Division, CIDG Anti-Organized, MFC-DI, 8th Infantry Division, RACU3, EOD-K9, at RMFB-PRO3, nagtungo ang mga awtoridad sa Phase 3A, Sapang Lamig St. Towerville, San Jose del Monte City upang ihain ang tatlong arrest warrants laban kay Rosira Solayao Taboy alyas “Laling”, 64-anyos, sa mga kasong arson na inisyu ni Judge Acerico A. Avila, ng RTC Branch 29, Catbalogan, Samar; at murder at frustrated murder na inilabas sa sala ni Judge Decoroso Turla, ng RTC Branch 21, sa Laoang, Northern Samar.
Inaresto rin ang mister ni Taboy na si Antonio Legazpi nang tangkain umano nitong pigilan ang pag-aresto sa una.
Nakuha rin ng mga pulis ang isang caliber .38 revolver; isang caliber .45 pistol; isang magazine of caliber .45 pistol; pitong rounds ng caliber .45 ammunition; 17 rounds ng ammunition para sa caliber .38; isang dinamita; dalawang electric blasting caps; isang 9ft detonating cap; isang laptop at charger; dalawang sling bag; dalawang cellular phone; dalawang USB flash drive; tatlong TIN ID na magkakaiba ang pangalan; 9 audio-visual discs/compact discs;10 Sim card at tatlong envelope na naglalaman ng mga subersibong dokumento.
Ayon kay CIDG director PBrig. Gen Romeo Caramat Jr, ang mag-asawa ay kilalang miyembro ng CTG sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Lumilitaw na si Taboy na nasa DND-DILG “Most Wanted Person” na may monetary reward na P5.2 milyon ay dati ring secretary ng Regional Organization Department (ROD) at Executive Committee (EXECOM) ng naturang party committee na responsable sa pagpaplano at pagsasagawa ng iba’t ibang terror attacks sa government forces at iba pang karahasan sa Samar at Leyte.
Samantala, si Legazpi ay miyembro naman ng Demolition-National Operation Command (NOC) sa Northern Samar.
Sasampahan ng paglabag sa RA 10591 (An Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations Thereof), RA 9516 (An Act Further Amending the Provisions of PD 1866 as amended re explosives), PD 1829 (Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders), PD 1835 (Codifying the Various Laws on Anti-Subversion and Increasing the Penalties for Membership in Subversive Organizations), at RA 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020) ang dalawa.