MANILA, Philippines — Anim katao ang dinakip ng pulisya matapos ireklamo ng pagdukot sa apat na estudyante sa Echague, Isabela.
Batay sa report na tinanggap ni Echague Police Station chief PMaj. Rogelio Natividad, nakilala ang mga suspek na sina Mario Ulep, 33, ng Brgy. Paddad; John Royce Bumatay, 28, ng Brgy. Malaking; John Lyod Dela Rosa, 19 at Conrado Marzan Jr., 33,residente ng Brgy. Villa Flor, Isabela. Kasama ring inaresto ang dalawang menor-de-edad na suspek.
Nakilala naman ang mga biktimang sina Clariz Biag, 20; Assunta Hop, 20 at dalawang kapwa 17-anyos na dalagita. Sila ay pawang residente ng Brgy. Good, San Isidro, Isabela.
Ayon sa pulisya, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag mula sa isang lalaki at humihingi ng tulong dahil dinukot umano ang kanyang girlfriend kasama ang iba pang kababaihan na sapilitang isinakay ng mga armadong kalalakihan sa isang itim na Toyota Grandia Van na may plakang TOP 883 at ipinarada sa isang convenience store sa Brgy. Ipil sa naturang bayan.
Agad namang rumesponde ang kapulisan at nang makarating sa convenience store ay tumakbo ang mga biktima palapit sa patrol ng mga pulis at sila’y humingi ng tulong.
Nang mapansin naman ng drayber ng Grandia van ang presensya ng mga pulis sa lugar ay agad nitong pinaharurot ang sasakyan patungong Poblacion ng Echague, hanggang sa makorner ng mga pulis sa isang gasolinahan.
Dito na nasukol ang mga suspek kung saan narekober sa kanilang pag-iingat ang isang Glock handgun na caliber 9mm; isang long magazine at 2-short magazine ng caliber 9mm; 26 na piraso ng bala ng cal 9mm; isang plastic sachet ng hinihinalang shabu; isang pouch bag na may residue ng iligal na droga at mga drug paraphernalia.
Nakakulong na sa himpilan ng pulisya ang mga suspek at inihahanda ang isasampang kaso laban sa kanila tulad ng abduction, grave threat with the used of firearms, paglabag sa Section 11 at 12 ng Republic Act 9165 at paglabag sa RA 1059.