P20 milyong shabu narekober sa ‘tulak’ na napatay sa buy-bust
Tacloban City, Philippines — Tinatayang nasa P20 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang hinihinalang drug dealer na kanilang napatay sa ikinasang buy-bust operation nitong Lunes ng madaling-araw sa Barangay Tambulilid, Ormoc City.
Ayon sa pulisya, ang shabu na may mahigit isang kilong timbang ay narekober kasama ang mga drug paraphernalia sa isang eco-bag na pag-aari ng suspek na kinilalang si Allan Bulahan alias “Allan Tigbas Gorio”, residente ng Purok 1, Barangay Linao, na kalapit ng Barangay Tambulid.
Narekober din ng mga Scene of the Crime Operatives ang apat na pakete ng shabu at P100,000 cash na ginamit sa buy-bust.
Sa isinagawang inspeksyon sa bangkay sa morgue, nadiskubre rin ang pito pang pakete ng shabu mula sa sling bag ng napatay na si Bulahan.
Nabatid na dakong ala-1 ng madaling araw nitong Lunes, bumili ang poseur buyer ng pulisya sa suspek ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000. Nakatunog naman ang suspek na pulis ang kanyang ka-deal at akmang aarestuhin kaya agad umanong nanlaban ang suspek at pinaputukan ang mga operatiba pero naunahan siyang mapuruhan na kanyang ikinasawi.
Ayon kay Police Colonel Nelvin Ricohermoso, director ng Ormoc City Police Office (OCPO), si Allan Tigbas ay ang siyang pinanggagalingan ng shabu ng iba pang hinihinalang mga shabu dealers na unang naaresto na sina Madame Lyca at Erwin Apuya.
- Latest