MANILA, Philippines — Umaabot sa P21 milyon ang halaga ng shabu na nakumpiska mula sa isang buntis na dati nang kinakaharap na kaso sa isinagawang buy-bust operation sa Lapu-Lapu City.
Ayon kay LCPO director Police Col. Elmer Lim, nakuha ang nasa 3-kilo ng shabu sa suspek na nagngangalang “Let-Let” sa isang buy-bust operation sa Sitio Soong, Brgy. Maribago ng nasabing lungsod.
Lumilitaw na ang suspek ay ni-recruit ng kanyang pinsan para sa illegal drug activity at operasyon sa Mandaue at Lapu-Lapu.
Batay sa isinagawang background check, nadiskubreng naaresto na sa Maynila ang nasabing babae sa kasong pagnanakaw subalit nakapagpiyansa at dinala ng kanyang pinsan sa nabanggit na lalawigan.
Samantala, nakumpiska rin kahapon ng Cebu Provincial Police Office ang nasa 1.1 kilo ng pinaniniwalaan shabu sa Talisay City, Cebu na nagkakahalaga ng P7.4-milyon.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang nadakip na suspek sa nasabing ikalawang operasyon.