VINZONS, Camarines Norte, Philippines — Sampu katao kasama ang tatlong bata ang masuwerteng nakaligtas matapos lumubog ang kanilang sinasakyang motorbanca sa karagatang sakop ng Calaguas Island sa bayang ito, kamakalawa ng umaga.
Naging maagap ang rescue team at mga tao sa isla kaya agad nasagip sa karagatan ang mga biktimang sina Sheenalyn Macasinag; Guillermo Macasinag; Diogenes Macasinag; at mga batang may edad 3, 4, at 6 na pawang residente ng bayan ng Capalonga, sa naturang lalawigan; Jonathan Zamudio; Edgar Brasal; Maria Geneva Santos; at Lorena De Leon, pawang ng Taytay, Rizal.
Sa ulat, mag-aalas-9 ng umaga, lulan ang mga biktima sa M/V Florencia Amber na pag-aari ng isang Alex Abcede patungong Calaguas Island at nang malapit na sila ay sumadsad ang sasakyang pandagat sa mga coral reef sa mababaw na bahagi dahilan para lumubog ito.
Naging maagap naman ang mga taong nakasaksi kaya mabilis na nailigtas ang lahat ng sakay ng bangka.