MANILA, Philippines — Kapwa nalitson nang buhay ang mag-asawang negosyante nang magliyab ang kanilang sinasakyang tricycle dahil sa kargang container ng gasolina at tuluy-tuloy na bumangga sa puno nitong Miyerkules sa Matalam, North Cotabato.
Halos hindi na makilala dahil sa pagkakatusta ang mga biktima na sina Mario Sorongon, at kanyang common-law wife na si Josefa Cantire, kapwa residente ng Brgy. Kabulacan ng nabanggit na bayan.
Sa ulat ni SFO1 Romel Quiñones, imbestigador ng Bureau of Fire Protection (BFP), tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng kalsada ng Brgy. Salvacion sa Matalam nang magkaroon ng pagkislap at biglang lumiyab ang container na puno ng gasolina sa loob ng tricycle.
Dahil dito, nag-panic si Sorongon kaya nawalan siya ng kontrol sa manibela ng tricycle hanggang sa sumalpok sila sa puno at bumaligtad.
Sa pagbaligtad ng tricycle, lalong kumalat ang panindang liquid fuel at mabilis na nagliyab kaya nakulong sa loob ng tricycle si Cantire at hindi na nakalabas habang bigo ring makaligtas si Sorongon matapos lamunin ng apoy ang buong katawan nito.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na ilegal umanong nagbebenta ang mag-asawa ng liquid fuel na kilala sa kanilang lugar bilang “takal-takal”.’
Agad nasawi sa lugar ang misis habang naisugod pa si Sorongon ng mga barangay officials na nagresponde sa insidente ngunit pumanaw din makalipas ang ilang oras.