Ginang nilamon ng 8-metrong sinkhole!
Alagang hayop at bahay nadamay..
MANILA, Philippines — Nilamon ng sinkhole ang isang 46-anyos na ginang kasama ang kanyang alagang hayop at maging ang kanilang bahay ay nadamay matapos lamunin ng malaking sinkhole kasunod ng pag-uga ng lupa sa Danao City, Cebu noong Biyernes ng hapon.
Patay na nang marekober ang katawan ng biktima na kinilalang si Mejame Papaya, may-asawa, factory worker ng Minebea Mitsumi Cebu at residente ng Brgy. Sabang, Danao City.
Ayon sa report ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), dakong alas-4:45 ng hapon nang mahulog sa sinkhole si Papaya na nabuo malapit sa kanilang tahanan.
Agad na nagresponde ang search and rescue team na kinabibilangan ng mga pulis, bumbero at maging ng mga tauhan ng CDRRMO at bandang alas-9:50 na ng gabi nang kanilang marekober ang bangkay ng ginang sa sinkhole matapos gamitan pa ito ng backhoe.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Staff Sergeant Allan Vertucio ng Danao City Police Station na si Papaya at kaniyang mister ay nagpapakain ng baboy ng kapwa nila maramdaman ang biglang malakas na pag-uga ng lupa.
Agad tumakbo ang mag-asawa pero nabiyak ang lupa at nilamon ang biktima kasama ang alaga nitong baboy at kanilang bahay.
Nagawa namang makaligtas ng mister nito nang mabilis na nakatakbo palayo sa lugar.
Nabatid na ang kuluong o sinkhole ay sumusukat ng 8 metrong lalim at lapad na 200 square meters. Ang naturang lugar ay isa umanong quarry site.
- Latest