MERCEDES, Camarines Norte , Philippines — Sampung tripulante ang nakaligtas habang dalawang iba pa ang nawawala matapos lumubog ang kanilang bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Canimog Island sa bayan ng Camarines Norte kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nakaligtas na sina Arnold Aguilo, residente ng Brgy. 3; Michael Recamara at Rogelio Masbate, pawang ng Brgy. 5; Joel Aguilar ng Brgy.6; at sina Arnulfo Jardin, Donn Aguilar, Ronnie Aguilar, Regie Sta.Romana, Kyle Ashley De Leon at Arvin Danculos, lahat residente ng Brgy.7; pawang sa bayan ng Mercedes.
Bumuo na ng search and rescue team ang Municipal Disaster Risk Reduction and Managemne toffice (MDRRMO) ng Mercedes para hanapin ang dalawa pang mangingisda na nawawala na nakilalang sina Jomar Alcaide ng Brgy.5 at Alex Toyado ng Brgy.7, kapwa sa Mercedes.
Sa ulat, sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-8 ng gabi dahil sa masungit na panahon ay binayo ng malalaking alon ang bangkang pangisda na may pangalang RJ-25 at agad lumubog.
Nabatid na lahat ng sakay ng bangka na tripulante ay nakatalon sa dagat at nailigtas ang 10 sa kanila ng mga dumaraang sasakyang pandagat pero hindi na natagpuan sina Alcaide at Toyado na hinihinalang tinangay ng malalaking na alon sa dagat.