PIO DURAN, Albay, Philippines — Bulagta ang isang papatakas na suspek sa pamamaril sa kanugnog na lugar matapos na pumalag at mabaril ng barangay chairman sa inilatag na checkpoint sa Purok-2, Brgy. Cuyaoyao ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Isang tama ng bala ng kalibre 45 baril sa ulo ang agarang ikinasawi ng suspek na si Resty Revadavia, nasa hustong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Agol, Pio Duran, Albay.
Sumuko naman at nasa kustodya na ng Pio Duran Municipal Police Station ang nakabaril na si Nilo Soria, may-asawa, retiradong pulis at incumbent chairman ng Brgy. Cuyaoyao ng naturang bayan.
Sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi dahil sa alitan armado ng kalibre 38 baril ay pinuntahan at pinutukan umano ni Revadavia ang isang nagngangalang Roderick Morco ng Brgy. Agol pero hindi nasapol.
Mabilis na tumakas lulan ng kanyang tricycle ang suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Cuyaoyao dahilan para tawagan ng biktima si Soria na agad naglatag ng barangay checkpoint.
Gayunman, sa halip na huminto at sumuko nang parahin sa checkpoint ng mga awtoridad si Revadavia, bumunot umano siya ng baril dahilan para unahan na umano siyang paputukan ng kapitan ng barangay na agad bumulagta matapos masapol ng bala sa ulo.