Marcos bumisita sa mga binaha sa Misamis Occidental
MANILA, Philippines — Bumisita nitong Miyerkules si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga lugar na nakaranas ng malakas na ulan at matinding baha sa Misamis Occidental.
Pinangunahan din ni Marcos ang pamamahagi ng humigit-kumulang P16.04 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya sa lalawigan.
Ayon sa Malacañang, tatlong beses na nag-landing ang eroplanong sinasakyan ng Pangulo bago bumaba sa paliparan ng Ozamiz City. Pagkatapos ay nagpatuloy ang Pangulo sa pagsasagawa ng briefing kay Misamis Occ. Governor Henry Oaminal sa paliparan sa halip na sa Oroquieta City na orihinal na binalak dahil sa masamang panahon.
Dahil sa masamang panahon, hindi natuloy ang ocular inspection sa Oroquieta City para makita ang lawak ng pinsala.
“Noong pagdating namin dito hindi naman makakalipad ‘yung helicopter kaya’t tingnan na lang natin at sinisigurado ko lang na kayo... na nahiwalay sa inyong mga tahanan ay nandito muna ay naaalalayan at naaalagaan ng ating mga DSWD,” ani Marcos.
Pagkatapos ng briefing, nagpatuloy ang Pangulo sa pamamahagi ng mga relief goods sa bayan ng Tudela kasama si Defense Secretary Carlito Galvez Jr.
May P55.81 milyong halaga ng tulong pinansyal mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang naibigay sa 11,133 benepisyaryo sa Misamis Occidental at Misamis Oriental.
Sa Misamis Occidental, 16,013 pamilya o 56,853 katao ang naapektuhan sa 155 barangay.
- Latest