2 pulis todas sa drug ops sa Pampanga!

Kinilala ni Brig. Gen. Ce­zar Pasiwen, Police Regional Office-3 (PRO3) director, ang mga napaslang na pulis na sina PSMS Sofronio Capitle Jr at PSSG Dominador Gacusan Jr.; kapwa nakatalaga sa Mabalacat City Police.
STAR/ File

CAMP OLIVAS, Pampanga, Philippines — Dalawang pulis ang patay matapos pagbabarilin ng limang ar­madong lalaki habang nagsasagwa ng drug ope­ration sa Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Brig. Gen. Ce­zar Pasiwen, Police Regional Office-3 (PRO3) director, ang mga napaslang na pulis na sina PSMS Sofronio Capitle Jr at PSSG Dominador Gacusan Jr.; kapwa nakatalaga sa Mabalacat City Police.

Ayon kay Pasiwen, ang dalawang pulis ay nagsagsawa ng buy-bust operation sa nasabing lugar nang biglang dumating ang limang lalaki na armado ng mga baril at lulan ng dalawang magkahiwalay ng mo­torsiklo.

Sa report ng Police Regional Office (PRO) 3, dakong alas-3:40 ng ma­daling araw nitong  Sa­bado nang magsagawa ng anti-drug operation sina Capitle at Gacusan hinggil sa umano’y tini­tik­tikan nilang tulak ng droga sa South Daang Ba­kal Road, Brgy. Dau ng lungsod.

Gayunman, habang pa­alis sa lugar pasakay ng motorsiklo ang dalawang parak ay pinau­lanan sila ng bala ng li­mang pawang mga na­ka-bonnet na kalalakihan.

Pinaniniwalaan namang ang mga suspect ang tinatarget ng dalawang parak na grupo ng mga notoryus na tulak ng droga sa lugar.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima sanhi upang agad na masawi sa lugar, dagdag ni Pasiwen.

Matapos na makitang nakabulagta at wala nang buhay ang mga bik­tima, mabilis na nagsi­takas ang mga suspek lu­lan ng kanilang mga mo­torsiklo patungong north direction.

Iniutos na ni Pasiwen kay Col. Levi Hope Basi­lio, Pampanga police pro­vincial director na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa ginawang pagpatay sa dalawang pulis at agad na maresolba ito.

Nagsasagawa na ang Mabalacat Police ng man­hunt operation laban sa mga suspek.

Show comments