MANILA, Philippines — Dalawampu’t dalawang barangay ang lumubog sa baha habang naitala rin ang ilang insidente ng flashflood sa lungsod ng Zamboanga dulot ng malalakas na pag-ulan ng bagyong Paeng, ayon sa report nitong Sabado.
Sa Facebook post ng pamahalaang lungsod ng Zamboanga, nagsimulang rumagasa ang mga pagbaha simula pa nitong Biyernes.
Naitala naman sa halos isang libong pamilya ang naapektuhan ng flashflood at landslide sa mga apektadong lugar.
Kabilang naman sa mga lugar na naapektuhan ng flashflood ay ang mga Brgys. Ayala, Tugbungan, Talungatung, San Jose Gusu, Tictabon, Maasin, Sta Catalina, Zon3 3, Putik, Recodo, Guiwan, Sinunuc at San Roque; pawang sa lungsod.
Samantalang ang naapektuhan naman ng landslide ang mga Brgys. Baluno, Calabasa, La Paz, Limpapa at Pamucutan habang inulat din ang pagkabuwal ng mga puno sa Brgys. Canelar, Sta Maria at Tetuan.
Nabulaga naman ang mga residente sa nangyaring storm surge o pagtaas ng alon na humampas sa aplaya sa Brgy. Campo Islaam ng lungsod.
Agad namang inilikas ng rescue team ng lokal na pamahalaan ang mga residente na naninirahan sa Brgys. Ayala, San Jose Gusu, Tulungatung, Tictabon, Tugbungan at Pamucutan sanhi ng mataas na tubig baha sa kanilang lugar.
Nagbabala naman ang Water District sa lungsod ng pagtaas ng level ng tubig sa dam sa Pasonanca sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Paeng.