RAPU-RAPU, Albay, Philippines — 16 katao kasama ang isang 9-na buwang sanggol ang maswerteng nailigtas matapos lumubog ang kanilang bangkang sinasakyan sa karagatang sakop ng Purok-1, Sitio Batngon, Brgy.Poblacion ng bayang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Quiny Madrona, Jay Marie So, Jennifer Vibal, Angelique Ramos, Maritess Binalla, Gerlie Joy Andes, Jasle Map Andes, Milagros Bitare, Analiza Echana, Annie Echana, Rommel Barcelona, Lerna Cotorno, Christoper Ebuenga, Desiree Ebuenga at anak nitong si Jay-Jay, 9 na buwang gulang.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga mula sa Batan Island naglayag ang puting de-motor na bangka patungong Rapu-Rapu Island proper nang masiraan ng makina dahil sa sama ng panahon. Habang palutang-lutang sa dagat ay hinampas ang bangka ng malalakas at naglalakihang alon na sinabayan pa ng malakas na agos ng tubig dahilan para ito lumubog.
Gayunman, kahit nakalubog ang buong katawan ng bangka na yari sa kahoy ay walang bumitaw na pasahero hanggang madaanan sila ng RLMC 1 passenger vessel. Lahat ng pasahero ay nailigtas at nadala sa kalapit na pantalan ng Bagaobawan at nabigyan ng medikal na atensyon.