BULUSAN, Sorsogon, Philippines — Mahigpit na nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa lahat ng mga residente sa mga bayang nasa palibot ng Mt. Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon dahil sa biglang pagtaas ng mga aktibidad ng bulkan matapos magtala ng may 477 pagyanig sa loob lamang ng nakalipas na dalawang araw.
Sa datos ng Phivolcs noong nakaraang Huwebes, sa loob umano ng 24 oras na obserbasyon ay umabot sa 313 ang naitalang pagyanig sa katawan ng bundok. Naitala naman sa 279 tonelada ang ibinugang sulfur dioxide habang patuloy na namamaga ang katawan ng bulkan.
Sa bulletin ng Phivolcs kahapon ng umaga, naitala sa loob ng 24-oras ang 164 panibagong volcanic earthquakes habang nananatili na 279 tonelada ang ibinubugang asupre.
Ito umano ang dahilan kung bakit maraming mga residente sa ilang mga barangay sa bayan ng Irosin at Bulusan ang patuloy na nakakaamoy ng asupre sa nakalipas na mga araw. Nagkaroon naman ng white plumes emission na umabot sa 400 metro ang taas at bumagsak sa east-southeast na bahagi ng bulkan.
Nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang katayuan ng Bulkang Bulusan. Gayunman, mahigpit na binalaan ang lahat na iwasang pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone at extended danger area dahil sa lalong lumalaki ang peligro nang biglaang pagputok ng bulkan.
Noong nakaraang Hunyo 5 at 12 ay nagkaroon ito ng steam driven eruption na umabot ang ibinugang abo hanggang sa Legazpi City at ilang bayan sa Albay.
Dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Mt Bulusan, ipinagbabawal din ng Phivolcs ang paglipad ng lahat ng eroplano malapit sa naturang bulkan.