MANILA, Philippines — Kinasuhan ng extortion ang dalawang pulis na non-commissioned officer ng Philippine National Police (PNP) na nakadestino sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa kanilang pagkakasangkot sa pangongotong.
Ayon kay Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) Director Brig. Gen. Warren del Leon, kasong robbery extortion at paglabag sa Anti-Graft at Corrupt Practices Act ang isinampa laban sa mga suspek na sina Staff Sgt. Mark Anthony Palma at Patrolman Gerald Tucas.
Sinabi ni De Leon na sa pagpapatupad ng Oplan Bansay o Bantay sa Pagsasanay, na Training Internal Cleansing program ng PNP, nakakuha sila ng impormasyon hinggil sa extortion activities ng mga PNCOs.
Base sa impormasyon at sumbong na natanggap ng IMEG Mindanao Field Unit, isang pangongotong umano na kinasasangkutan ng BISOC Trainees sa BAR’s Regional Special Training Unit (RSTU).
Humingi umano sina Palma at Tucas ng halagang P60,000 mula sa BISOC trainees kapalit ng maluwang na pagtrato sa mga magbabayad sa isasagawang training.
Matapos ang mga serye ng pagpapatunay at case build-up, ay sinampahan na ng kaso ang dalawang suspek sa City Prosecutor’s Office ng Cotabato City para sa preliminary investigation.