Sa banta ng pagputok pa ng Mt. Bulusan
Evacuation ng mga residente sa Sorsogon, patuloy
MANILA, Philippines — Dala ng matinding takot, patuloy na dumarami ang bilang ng mga residente na lumilikas kasabay ng pag-alburoto ng Mt. Bulusan at sa bantang pagputok pa nito ng malakas sa Sorsogon.
Ayon kay Radeen Dimaano, Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) chief, hanggang alas-2 ng hapon kahapon, nasa 475 residente mula sa Juban at Bulusan ang nadala na sa mga evacuation centers.
Ang mga evacuees ay lubhang sinalanta ng ashfall simula ng pumutok ang bulkan Bulusan Volcano noong Hunyo 5 at Hunyo 12.
Nabatid pa kay Dimaano na madadagdagan pa ng bilang ng mga evacuees dahil maraming residente ang handang lumikas dahil sa inaasahang mas malakas na pagsabog sa mga susunod na araw.
Mahigpit ang kanilang koordinasyon sa Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) personnel sa Sorsogon kung saan sa pinakahuling bulletin, 106 volcanic quakes ang nakita ng ahensiya.
Dagdag pa ng Phi- volcs-Sorsogon, ang pabagu-bagong parameters ng bulkan ay indikasyon ng abnormal na galaw nito.
Samantala, umaabot na sa P1.6 milyong halaga ng humanitarian assistance partikular ang mga relief goods ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng Bulusan volcano sa Sorsogon.
Ayon sa DSWD, hanggang nitong Hunyo 13 ng hapon, kabilang sa ayuda na naipamahagi ay ang P504 halaga ng mga relief goods mula sa kanilang lokal na tanggapan, P22,000 na galing naman sa Local Government Units (LGUs) at ang nalalabi pa ay mula naman sa mga Non-Government Organizations (NGOs).
Karamihan umano sa ibinigay na tulong ay mga food packs at hygiene kits na lubhang kailangan ng mga naapektuhang pamilya.
Sa tala, nasa 10,707 pamilya o 44,669 indibidual mula sa 30 barangay sa mga munisipalidad ng Irosin at Juban ang naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Bulusan.
Ayon sa DSWD, nasa 25,000 family food packs ang available na sa DSWD Field Office sa Bicol Region para makatulong sa resources ng mga apektadong lokalidad.
Samantala, pinananatili naman ng DSWD ang P600 milyong standby fund at nasa P557,000 halaga Ng food packs ang inihanda na rin sa mga istratehikong lokasyon para sa disaster operations.
- Latest