Habang naghuhukay sa ginagawang tulay
MULANAY, Quezon, Philippines — Tatlong construction worker ang patay dahil sa “gas poisoning” matapos ma-suffocate habang naghuhukay sa ginagawang tulay sa Sitio Sampiro, Barangay Patabog sa bayang ito, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jesus Loresto, 19 anyos; ang pinsan nitong si Macmac Largo, 18; kapwa residente ng Labo, Camarines Norte at Sandy Azuelo, 27, ng Paracale, Camarines Norte.
Base sa isinagawang imbestigasyon ni P/SMS Allan Ayeng, bandang alas-3:00 ng hapon ay hinuhukay ng mga biktima ang lupang pagtatayuan ng malaking haligi ng ginagawang tulay.
Nang nasa lalim na 7.5 metro na umano ang mga biktima ay nakalanghap sila ng masangsang na amoy na naging dahilan upang mawalan agad sila ng malay.
Mabilis namang iniahon ng mga kasamahan buhat sa hukay ang tatlong biktima at dinala sa Dr. Reynoso Clinic subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na sila ng hininga.
Ayon sa pulisya, natural gas poisoning ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima makaraang ma-suffocate sa ilalim ng hukay.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung anong kemikal ang nalanghap ng mga biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan. - Ed Amoroso