MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay chairman na kandidatong konsehal makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang riding-in-tandem sa San Fernando City, Pampanga nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 3 director P/ Chief Supt Matthew Baccay ang biktima na si Alvin Mendoza, chairman ng Brgy Alasas at tumatakbong konsehal sa naturang lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, lulan ng kaniyang kulay kayumangging SUV ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng Purok 3, Brgy Magliman galing sa Brgy. Alasas nang dikitan ng mga salarin na magkaangkas sa motorsiklo saka pinagbabaril.
Nagawa pang maisugod ng mga sumaklolong rescuer ang biktima sa pagamutan pero binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Kinondena ni Baccay ang nasabing insidente ng karahasan at iniutos nito ang agarang imbestigasyon sa kaso.
“I have ordered an in-depth probe on this incident and we are looking into all angles to establish all motives,” anang opisyal.