MANILA, Philippines — Isang estudyante mula sa Isabela State University (ISU) College of Law ang namatay matapos malunod sa karagatan nang magsagawa ng outreach program sa Dinapigue, Isabela.
Batay sa naantalang ulat, kinilala ang nasawi na si Justin Gabriel Llana, 30-anyos, certified law student practitioner at isang guro, may asawa at residente ng Paddad, Alicia, Isabela.
Nabatid na kasama ang biktima sa mga nagsagawa ng “outreach program” para sa libreng legal assistance sa mga residente ng coastal town ng Dinapigue noong Marso 26, 2022.
Nagkayayaang maligo sa dagat ang biktima kasama ang iba pang law student nang biglang humampas sa kanila ang malalakas na alon.
Masuwerteng nailigtas ng mga mangingisda si Ariel Lioad subalit bigong maiahon ang katawan ng kasama nitong si Llana.
Tumulong sa rescue operation ang mga kasapi ng MDRRMO at mga mangingisda hanggang sa marekober ang bangkay ni Llana kinabukasan ng ala-1:30 ng hapon. — Victor Martin