MANILA, Philippines — Mahigit 200 na pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang malaking sunog sa isang komunidad sa Batangas City kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:10 ng hapon nang magsimula ang sunog at naapula ito ng mga rumespondeng bumbero bandang alas-3:38 ng hapon nitong Lunes.
Sinabi ng mga arson investigators na nag-umpisa ang sunog sa bahay ng isang Eleuterio De Chavez, 50, sa Barangay Malitam. Mabilis na kumalat ang apoy sa ibang kabahayan sa kalapit na Badjao community sa Barangay Wawa.
Nasa 200 kabahayan ang iniulat na natupok pero walang nasawi o nasugatan sa insidente. Inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog.
Sinabi ng isang staff mula social welfare and development office na nasa 232 pamilya, 227 dito mula sa Brgy. Wawa at lima sa Malitam ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog.
Kasalukuyang nananatili ang mga apektadong pamilya sa Wawa Elementary School.