Truck hulog sa bangin: 2 patay
LAGONOY, Camarines Sur , Philippines — Kapwa nagkalasug-lasog ang katawan ng driver ng trak at isa sa kanyang pahinante habang isa naman ang sugatan matapos mawalan ng preno at mahulog sa mataas na bangin ang kanilang sasakyan sa Sitio Tingtingon, Brgy. Genorangan ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Sinubukan pang isugod ng rescue team sa San Jose Rural Health Unit pero dineklarang dead-on-arrival ang biktimang si Joey Climaco Singson, 54-anyos, driver, residente ng Brgy. Danlog, San Jose at pahinanteng si Salvador Maleniza, ng Brgy. Caraycayon, Tigaon.
Sugatang dinala sa Partido District Hospital ang isa pa sa pahinante na si Rodel Bono Dadis, 36-anyos, residente ng Brgy. Binauahan.
Sa ulat, dakong alas-2 ng hapon, kargado ng kalahating mix-cement ay binabagtas ng transit mixer truck na minamaneho ni Singson ang kahabaan ng highway patungong bayan ng Garchitorena upang mag-deliver ng hinalong semento.
Gayunman, pagdating sa pakurba at palusong na bahagi ng kalsada ay nawalan ng preno ang truck dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela si Singson at diretsong nahulog sa bangin na may taas na 40-talampakan.
Maingat na naiahon ng rescue team mula sa bayan ang mga biktima na nabaon pa sa putik at agad dinala sa pagamutan pero hindi na umabot nang buhay.
- Latest