CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang 48-anyos na binata makaraang talian at sakalin ng tie wire o alambre ng kanyang sariling kuya matapos silang magtalo habang nag-iinuman ng alak sa Purok Zone 1, Barangay Camp Tinio ng lungsod na ito, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Romulo Lumanlan Esguerra, 48, binata habang sumuko sa mga miyembro ng bantay-bayan ng nasabing barangay ang suspek na si Wilfredo, 52, binata; pawang residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon, pasado ala-1 ng madaling-araw noong Lunes, nag-iinuman ang magkapatid nang bigla na lamang umanong sumiklab ang pagtatalo ng dalawa. Nagpambuno pa umano ang magkapatid hanggang sa makakuha ng alambre ang nakatatandang kapatid na siya nitong itinali sa leeg ng bunso nitong kapatid.
Dito na umano iniwan ng kuya ang kapatid upang matulog ngunit paggising ng suspek ay nagitla siya sa nakitang nakahandusay na kapatid na wala nang buhay.
Bandang alas-6 ng umaga nang agad na nagtungo sa kanilang barangay ang suspek at boluntaryong sumuko sa naka-duty na Brgy. Peacekeeping Action Team (BPAT) members na sina Rommel Rosales at Bernard Reyes saka siya itinurn-over sa himpilan ng pulisya.