MANILA, Philippines — Bago pa mailabas ang reward money ay nagpasyang sumuko kahapon sa pulisya ang pumatay sa kandidatong vice mayor ng bayan ng Maragondon, lalawigan ng Cavite, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang sumukong suspek na si Robert Amoranto, nasa hustong gulang, residente ng Lavanya Subdivision Brgy. Bacao 2, Gen. Trias City, Cavite.
Ayon sa report, nakatanggap ng tawag si Congressman Jonjon Ferrer mula sa kaanak ng suspek na gusto nitong sumuko sa pulisya.
Matatandaan na napatay ng suspek ang biktimang si Nolito Angeles Magallanes alias Vice Pogi, 54-anyos, may-asawa, residente ng Maragondon, Cavite at kasalukuyang kumakandidatong vice mayor ng nasabing bayan.
Nag-ugat ang pagpatay nang sitahin ng suspek ang sasakyan ng biktima na nakaparada sa basketball court ng subdivision na nakakaistorbo umano sa paglalaro ng mga residente dito kung saan ang suspek ay security officers ng HOA ng subdibisyon.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na agad namang naawat hanggang sa kinagabihan ay nagkaroon ng inuman na magkasama ang biktima at suspek na kung saan ay naungkat ang pagtatalo nila ng umaga.
Pag-uwi ng biktima sa bahay ay sinundan ito ng suspek na kapitbahay nito at dito na pinagbabaril hanggang sa mapatay.