SUBIC FREEPORT, Philippines — Aabot sa P15 milyong halaga ng sariwang gulay na umano’y puslit mula sa bansang China ang nasabat kahapon ng pinagsanib na puwersa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Bureau of Customs-Port of Subic (BOC-Subic), at Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI).
Ayon kay SBMA Chairman and Administrator Wilma Eisma, ang naturang mga gulay ay lulan ng limang 40-footer container na idineklara na iba’t ibang klase ng gulay at naka-consignee sa Saturnus Corp., isang importer na nakabase sa Metro Manila.
Ayon naman kay BOC District Collector Marites Martin, una na silang nagpalabas ng warrants of seizure and detention sa naturang shipment at iginiit na ang consignee na Saturnus Corp. ay binigyan lamang ng permiso para mag-import ng mga frozen vegetables.
Sinabi ni Martin na ang kaukulang temperatura ng mga frozen commodities ay nasa -18 degress celcius, subalit ang refrigerated containers ng Saturnus shipment ay nasa -1 degrees Celsius kung kaya ang inisyung SPS Importation clearance ay hindi applicable sa tinatatawag na instant importation.