Batanes, isinailalim sa MECQ
BASCO, Batanes, Philippines — Matapos sumailalim sa 15-araw na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay ibinaba sa mas maluwag na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong lalawigang ito, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa rekomendasyon ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF), ang buong lalawigan ay sasailalim sa MECQ simula kahapon, Oct. 5, at tatagal hanggang sa Oct 15.
Sa pinakahuling talaan ng Department of Health, umabot na sa 534 ang aktibong kaso sa buong lalawigan kung saan 3 na rin ang nitalang nasawi sa loob naman ng nakalipas na tatlong lingo.
Ang bayan ng Basco ang nangunguna sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 na may 364 active cases, 55 sa Ivana, 38 sa Sabtang, 33 sa Mahatao, at 26 naman sa bayan ng Itbayat.
Mula sa dating 17 na cases noong September 2020 hanggang August 2021 ay biglang lumobo ang kaso sa lalawigan na umabot sa 648 nito lamang Sept.10 hanggang Oct.4.
Tatlong severe patients at isang nasa critical na kalagayan mula sa Batanes General Hospital ang agad na inilipad ng chopper sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City sa lalawigan ng Cagayan para sa karagdagang gamutan.
- Latest