LUCBAN Quezon, Philippines — Aabot sa mahigit P90,000 halaga ng mga halaman ang ninakaw sa isang flower farm sa Sitio Spring, Brgy May It sa bayang ito, kamakalawa.
Batay sa ulat ng pulisya, napansin ni May It Flower Farm Supervisor Sonny Villanueva na may mga nawawalang halaman sa nursery ng nasabing farm dakong alas-7:00 ng umaga.
Kabilang sa mga ninakaw na halaman ay ang 14 piraso ng Green Congo Timba, 5 piraso ng Red Cherry, 20 piraso ng Painted Lady, 8 pirasong Hope, 8 piraso ng Olympiad at 12 pirasong New Orange na aabot sa halagang P93,691.
Posible umanong sinamantala ng mga hindi pa nakikilang suspek ang power interruption sa nasabing barangay para nakawin ang mga halaman.
Nanawagan ang pulisya sa publiko na ipagbigay alam sa kanilang himpilan kung sino man ang mabentahan o may malaman silang nagbebenta ng mga naturang halaman upang madakip ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek.