LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Limang hinihinalang kasapi ng “private armed group” kabilang ang isang kagawad ang naaresto nang manutok ng baril sa mga pulis na kasama ng Task Force Quarry na humabol sa isang trak na pag-aari umano ni dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo makaraang tumakas sa checkpoint sa Brgy. Bogtong, dito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Al Tripulca Del Castillo, 39-anyos, kagawad ng Brgy. Peñafrancia, Daraga; Rowen Guiriba Apuli, 30, ng Brgy. Cabangan, Camalig; Allan Toloma Gante, 30, ng Guevarra Subdivision, Brgy. 18, Cabangan; Aldin Miranda Maquiñana, 43, at Rommel Cedeño Ordiz, 21; kapwa residente ng Brgy.1, Pio Duran ng nasabing lungsod.
Sa ulat, dakong alas-10:10 ng gabi, pinara ng mga kasapi ng Task Force Quarry sa pangunguna ni Roy Basco sa checkpoint ang isang puting 10-wheeler dump truck (U2 R160) na may malaking markings sa windshield na “Baldo” pero dumating ang isang green SUV na Expedition at bumaba umano si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo na unang kinasuhan at itinuturong utak sa pagpatay kay dating Ako Bicol Party-list Cong. Rodel Batocabe noong Disyembre 2018.
Lumapit umano sa checkpoint si Baldo at nagsabing “Walang PENRO ‘yan, abante na driver”. Kaya mabilis na tumakas ang trak pero hinabol ng mga kasapi ng TF Quarry at mga pulis hanggang sa pumarada ang sasakyan sa harap ng Apulivv’s compound sa Doña Josefa St., Brgy.18 Cabangan.
Ilang lalaking nakatambay sa harap ng bahay ni dating City Councilor Roderick Apuli, bayaw ni Baldo ang nilapitan ng mga pulis para sana tanungin kung nasaan ang driver ng trak pero bigla siyang bumunot ng baril at mga kasamahan nito saka tinutukan ang mga operatiba. Gayunman, naging maagap ang mga pulis at nadis-armahan lahat ang mga suspek.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang Ingram M11 caliber 9mm, isang hindi malamang kalibre na MP 45 pistol, stainless Smith and Wesson Springfield na hindi alam ang kalibre, isang Armscor caliber .45, isang made in Turkey na Girsan .45 automatic, mga magazines at mga bala.
Wala pang pahayag sa media ang magbayaw na sina Baldo at Apuli.