CAVITE, Philippines — Patay ang isang pulis matapos mapuruhan ng bala sa ulo habang kritikal ang ama nito nang pagbabarilin ng ‘diumano’y bodyguard ng isang mayor at pamangkin nito sa Brgy. Ligtong 2, Rosario, ng lalawigang ito, kamakalawa ng gabi.
Agad nasawi sa lugar ang pulis na si Cpl. Jerome Carlo Pamaran, 31, may asawa, nakatalaga sa Bacoor City Police Station habang inoobserbahan sa St. Martin Hospital ang ama nitong si Jose Edgardo Pamaran, 54- anyos; pawang residente sa nasabing lugar.
Pinaghahanap na ang mga suspek na sina Antonio Perea, taga-Ligtong 1 at sinasabing bodyguard ni Rosario, Cavite Mayor Voltaire Ricafrente at pamangkin nitong si Jhon Perea, taga Ligtong 4.
Sa ulat, dakong alas-8:20 ng gabi habang nasa tapat ng kanilang bahay ang mag-amang Pamaran at nagkukuwentuhan nang biglang dumating ang mga magtuyuhing suspek.
Agad umanong pinagbabaril ni Antonio ang mga biktima at nagtangka pang gumanti ng putok ang nasabing pulis subalit dahil sa tama nito sa ulo ay tumumba habang ang matandang Pamaran ay sa katawan tinamaan ng bala.
Bago tumakas, nagawa pang kunin ng suspek ang service firearm ng batang Pamaran.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Antonio ay nagtatrabaho bilang bodyguard ni Mayor Ricafrente.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente na posibleng nag-ugat umano ito sa “away-bata” na siyang tinitingnang anggulo ng pulisya.