MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — “Saan man at kailanman, wala sa pagkatao ni Daniel Fernando ang magbebenta ng karapatan ng kanyang kalalawigan, lalo na ng maliliit at walang tinig sa lipunan.”
Ito ang binitawang pahayag ni Gov. Daniel Fernando sa ginanap na joint forum ng mga piling legislators at executives ng Bulacan na naglalayong maliwanagan ang mga lingkod-publiko sa usapin patungkol sa proyektong North Food Exchange (NFEx) na dinisenyo na maging processing, storage, at trading center ng mga produktong pang-agrikultura mula sa mga lalawigan sa hilaga ng Metro Manila.
Ginanap ang pulong matapos talakayin ni Vice Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado sa kanyang personal at kolektibong pribilehiyong pahayag ang nabigong national project na nagkakahalaga ng ilang milyon, na tila nagtuturo sa hindi pinangalanang indibiduwal na diumano ay ang responsable rito.
“Ang tungkulin ko sa usaping ito ay ginawa ko mula pa sa simula, at patuloy kong itataguyod ang hustisya habang ito ay may nalalabing puwang, gaano man kaliit. Nais ko ring ipahatid sa lahat, wala akong sisinuhin kapag ang kapakanan ng lalawigan ang nasasangkot,” anang gobernador.
Aniya, maaaring muling pabuksan ang kaso ng Presiding Officer ng Sangguniang Panlalawigan.
Nanawagan si Fernando sa lahat na iwasan ang paggamit ng mga ganitong isyu para sa pulitikal na interes.