ATIMONAN, Quezon, Philippines — Isa ang patay at lima ang sugatan makaraang bumangga ang isang van sa nakaparadang trak sa gilid ng Maharlika Highway sa Brgy. Malinao Ilaya, dito, kamakalawa.
Ang nasawi dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan ay kinilalang si Lea Ced, 51-anyos, may asawa ng Imus City, Cavite habang ginagamot sa Dona Martha Hospital ang sugatang driver ng van at asawa ng nasawi na si Patrick Ced, 52; Elvira Valez, 70; Rei Monica Ced, 24; Teresita Euste, 68; pawang taga-Imus City, Cavite at ang tsuper ng trak na si Leonilo Paraon, 53, ng Atimonan, Quezon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa Bicol ang Nissan Urvan Escapade (UOE-435) na sinasakyan ng mga biktima at minamaneho ni Patrick nang maganap ang aksidente. Pagsapit sa kurbada dakong ala-1:40 ng madaling araw ay bumangga ang nasabing sasakyan sa hulihang bahagi ng trak na kargado ng feeds na minamaneho ni Paraon na nagkataong nakaparada sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, bahagyang lumawit ang unahan ng trak sa burol habang ang van ay bumangga sa concrete barrier at sementadong poste ng kuryente na ikinaipit ng mga sakay nito.