Matataas na uri ng armas, pampasabog narekober ng military

MAGUINDANAO, Philippines — Narekober ng tropa ng pamahalaan ang iba’t ibang matataas na uri ng armas at mga pampasabog kasunod ng kanilang pakikipagbakbakan sa mga bandidong Bangsa­moro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Sitio Macabenban, Brgy. Indatuan, Kabuntalan, Ma­guindanao, kamakalawa.

Batay sa ulat, nakasagupa ng tropa ng 34th Infantry Battalion ang nasa 10 BIFF members sa pamumuno ni Omar Abdullah alias “OV10” dakong alas-6:15 ng umaga na nagresulta sa pagkakarekober ng mga matataas na uri ng baril at pampasabog.

Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang caliber .45 pistol, isang homemade Barret ca­liber .50 sniper rifle, limang rifle grenades, isang IED, isang commercial radio at isang motorized banca engine habang nakita naman ang mga bakas ng dugo mula sa panig ng kalaban na posibleng marami ang mga sugatan sa kanilang pangkat, ayon sa kay Lt. Col. Anhouvic Atilano, ang tagapagsalita ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division.

Sinabi naman ni Major General Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division na ang tropa ng pamahalaan ay magpapatuloy sa pagtugis sa mga natitira pang BIFF, upang sa ganun ay hindi na sila makapaghasik ng karahasan.

Show comments