CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines — Nag-alok ng may P3.2 milyong pabuya para sa sino mang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad para madakip ang suspek sa bigong pagtumba sa isang prominenteng negosyante dito kamakailan.
Sa report, mismong ang biktimang si Jeffrey Dizon, isang kilalang real estate developer sa lalawigan ay naghayag ng kahandaang magdagdag ng P3 milyong pabuya para sa sinumang makakapagturo sa responsable o mastermind sa tangkang pagpatay sa kanya.
Ayon kay Dizon, habang nakatayo siya sa harapan ng kanyang bahay sa Brgy. Pandan, Angeles City nang biglang siyang barilin na posibleng nanggaling sa mataas na bahagi ng lugar ngunit hindi siya tinamaan ng gunman.
Sinabi ni Dizon na matapos ang bigong pagpatay sa kanya ay sunud-sunod na ang mga natanggap niyang pananakot at nararamdaman nito at kanyang pamilya na may mga taong laging sumusunod sa kanila kahit saan sila magpunta.
Ayon pa sa negosyante, nagsimula ang pananakot at pagbabanta sa kanyang buhay at pamilya nito ng mga hindi kilalang suspek noong Pebrero 29, 2020. Matapos siyang dumulog at humingi ng tulong kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Valeriano De Leon noong nakalipas na Nobyembre 21, 2020 ay nagtalaga ang huli ng isang team ng pulisya upang masiguro ang seguridad ng naturang negosyante kabilang ang kanyang pamilya.